WALANG anumang nilabag na batas si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa napalpak na operasyon sa Mamasapano, Maguindanao na ikinasawi ng may 67 katao na kinabilangan ng may 44 na tauhan ng Special Action Force ng Philippine National Police.
Ito ang paninindigan ni Secretary Leila B. De Lima sa tanong ni Gabriel Part List Congresswoman Emerciana de Jesus kung may criminal liability si G. Aquino sa napalpak na operasyon. Ito ang tanong ng mambabatas sapagkat mayroong binanggit sa findings ng Board of Inquiry at ni dating Pangulong Fidel V. Ramos na nilabag ng pangulo ang chain of command.
Nanindigan si Kalihim de Lima na hindi nararapat makasama sa chain of command ang pulisya sapagkat sibilyan ito. Iginiit pa ni De Lima na ang pangulo, bilang chief executive at command-in-chiet is higit at hindi masasaklaw ng chain of command concept. Naganap ang pahayag na ito sa pagpapatuloy ng pagdinig sa House of Representatives sa naganap sa Mamasapano.
Nabanggit na umano ni Pangulong Aquino sa kanyang mga talumpati na siya ang may responsibilidad sa napalpak na police operation. Hindi rin umano mapapanagot ang Estados Unidos sa pagkakasangkot nito sa operasyon. Mayroon umanong Visiting Forces Agreement at ang America ay nakikipagtulungan sa pamahalaan ng Pilipinas sa pagbabahagi ng mga impormasyon at medical assistance.
Sinabi ni Congresswoman de Jesus na sa pagkakasangkot ng Estados Unidos sa Operation Exodus, baka madamay ang Pilipinas sa "proxy war" ng America.