ITINAAS ng Department of Foreign Affairs ang Alert Level 1 sa South Africa dahil sa mga pananalakay sa mga banyaga sa iba't ibang bahagi ng bansa.
Itinataas ang Alert Level 1 kung mayroong senyal ng kaguluhan, kawalan ng katatagan at mayroong panganib sa bansa.
Kinokondena ng Pilipinas ang kaguluhang ginagawa laban sa mga banyagang naghahanapbuhay samantalang nakikiisa sa pamahalaan ng South Africa at sa international community sa pagkondena sa pananalakay sa mga banyaga sa tatlong linggong kaguluhan na ikinasawi ng mga banyaga at naging dahilan ng pagkakahati ng mga komunidad.
Kailangan umanong harapin ng South Africa at ng international community ang hamong dulot ng kaguluhan at magkaisa upang mapigil ang walang katuturang kaguluhan sa mga komunidad.
Pinapayuhan na ng Embahada ng Pilipinas sa Pretoria, South Africa ang mga Filipino na maging maingat sa lahat ng oras.