|
||||||||
|
||
Maynila, Ika-27 ng Mayo, 2015 – Sa likod ng mga magagandang ulat sa larangan ng Ekonomiya sa Pilipinas, nahaharap pa rin ang mga manggagawa sa iba't ibang hamon, tulad ng kakulangan ng makatao at kapaki-pakinabang na hanapbuhay.
Ito ang nilalaman ng naunang ulat na inilabas ng International Labor Organization sa Maynila na nagsuri ng datos sa kaunlaran, pagdami ng mga trabaho at uri ng hanapbuhay sa nakalipas na ilang taon.
Sa Tapatan sa Aristocrat, ang lingguhang talakayan sa mga isyung panglipunan, sinabi ni Bb. Ma. Lourdes Macapampan ng ILO, na natamo ng bansa ang 7.2% at 6.1% growth rates noong 2013 at 2014.
Sinabi ni Undersecretary Reydeluz Conferido na ang pangangailangan ng makatao at kapaki-pakinabang na hanapbuhay ay magpapatuloy kahit pa sumapit ang taong 2016, ang pagwawakas ng panunungkulan ng Pamahalaang Aquino.
Ani G. Conferido, may mga palatuntunan na isinaayos ang pamahalaan na tatagal pa ng higit sa 2016.
Ayon naman kay Kilusang Mayo Uno vice chairman Lito Ustarez, ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga manggawang nangingibang-bansa ay nagpapakita lamang ng kawalan ng matagpuang trabaho sa bansa. Ang kailangan ay higit na may uring trabaho kaysa mga de-kontratang hanapbuhay na matatagpuan sa shopping malls at fastfood chains. Ang pagkakaroon ng mga tulad ni Mary Jane Veloso na nahaharap sa parusang kamatayan ay halimbawa ng kawalan ng trabaho sa Pilipinas. Binanggit din niya ang pagkakaroon ng 80 manggagawang nahaharap sa parusang kamatayan dahilan sa drug trafficking at may 120 nakabilanggo sa iba't ibang piitan sa buong daigdig.
Sapat na ang batas upang maipagsanggalang ang mga manggagawa at mga mangangalakal. Ito naman ang sinabi ni dating Senador Ernesto F. Herrera, pangulo ng Trade Union Congress of the Philippines. Idinagdag pa niya na kailangan lamang na maging aktibo ang Department of Labor and Employment sa pagpapatupad ng mga batas sa paggawa sa buong bansa.
Sa dami ng batas, ang kailangan lamang ay ang seryosong pagpapatupad nito, dagdag pa ni Atty. Herrera.
Ipinaliwanag naman ni G. Jose Roland Moya, ang deputy director general ng Employers Confederation of the Philippines, na ang pinakamalaking hamon ay ang pagkakaroon ng mas maraming trabaho at mas maraming makuha upang magkaroon ng hanapbuhay. Tulad umano ng nilalaman ng ulat ng International Labor Organization, kailangang magkaroon ng ibayong pagtutulungan upang madagdagan ang mamumuhunan sa Pilipinas.
Idinagdag naman ni Undersecretary Conferido na hindi lamang kanilang kagawaran ang nararapat masangkot sa pagbuo ng dagdag na hanapbuhay sapagkat kailangang magtulungan ang iba't ibang sektor sapagkat ang ibang mga may pagawaan sa Pilipinas ay lumipat na sa Vietnam, Laos, Cambodia at Myanmar.
Patuloy namang lumalawak ang agwat ng mahihirap sa mayayaman, dagdag ni Julius Cainglet, ang assistant vice president ng Federation of Free Workers. Hindi rin ito nakatulong sa pagkakaroon ng mas maraming matatag na trabaho sapagkat marami pa rin ang saklaw ng mga kontrata.
Inulit ni Bb. Macapampan na kailangang magsama ang pamahalaan, manggagawa at mga kapitalista upang magpatupad ng mga programang pakikinabangan ng madla at masuri ang kalagayan ng mga manggagawang nasa mapapanganib ng katayuan.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |