|
||||||||
|
||
NANAWAGAN ang bagong hirang na pinuno ng Commission on Elections sa madla na makipagtulungan sa kanilang tanggapan upang magkaroon ng patas, payapa, maayos at kapani-paniwalang halalan sa darating na Mayo 9, 2016.
LAYUNIN NG COMELEC NA MAGING MALINIS, PAYAPA AT KAPANI-PANIWALA ANG DARATING NA HALALAN. Ito ang pangako ni Chairman Andres D. Bautista (may mikropono) sa idinaos na "Tapatan sa Aristocrat" kaninang umaga. Na sa dulong kaliwa si Atty. Manuelito Luna, isang dating chairman ng Board of Election Inspectors. (Melo M. Acuna)
Sa idinaos na Tapatan sa Aristocrat, sinabi ni Chairman Andres Bautista na bukas ang kanilang tanggapan sa mga ideya, mungkahi at puna upang maayos ang kalakaran ng halalan.
Ipinaliwanag niyang mayoong ilang buwan na lamang upang kumilos ang madla at kailangang manaig ang hatol ng mga mamamayan sa mamumuno sa darating na halalan. Kasabay ito ng pagdiriwang ng Commission on Elections ng ika-75 anibersaryo ng pagkakatatag na naniniwala pa rin sa adhikaing ang tinig ng tao ay tinig ng Diyos.
Para kay Arsobispo Oscar V. Cruz, dating pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines, nababahala siya noon kung paano kikilos ang Commission on Elections sa darating na halalan. Pangalawa sa kanyang ikinababahala ang mga uri ng kandidatong ihahalal at pangatlo naman ang kondisyon ng mga botante sapagkat ang mahihirap ay 'di kailanman naging malaya.
Ang kahirapan ang siyang dahilan ng pagkakahalal ng mga kandidatong nagwawagi sa pamamagitan ng pamimili ng boto. Ito ang kinagawian noong mga nakalipas na panahon.
HALALAN, DAPAT BANTAYAN. Ito ang mensahe ni dating Comelec Commissioner Augusto Lagman (may mikropono) sa idinaos na "Tapatan sa Aristocrat" kaninang umaga. Ani G. Lagman, hindi sagot ang PCOS o Precinct Count Optical Scan machines upang maging malinis ang halalan. Iminungkahi niya sa bagong pamunuan ng Comelec sa ilalim ni Chairman Andres Bautista (dulong kaliwa) na kausapin na ang mga telecommunications providers upang matiyak ang transmission ng election results. Na sa larawan din si dating Civil Registrar General Carmelita Ericta (dulong kanan) at Arsobispo Oscar V. Cruz (pangatlo mula sa kanan). (Melo Acuna)
Ipinaliwanag ng arsobispo na nalulugod siya sa pagkakahirang kay Dean Bautista bilang chairman ng Commission on Elections sapagkat marami siyang naririnig na mabuti sa pagkatao ng dating dekano ng isang dalubhasan ng batas. Ang kanyang pangamba ngayon ay nabago na at ang Comelec ang nasa pangatlong puwesto na lamang. Idinagdag pa ni Arsobispo Cruz na sa pagmamatyag na gagawin nina dating Comelec Commissioner Augusto Lagman, nakatitiyak siyang gaganda ang direksyon ng constitutional body.
Para kay Chairman Bautista, ang batas sa mga kakandidato ay napakaluwag kaya't kanilang sasalain ang talaan upang mabatid kung sino sa kanila ang maituturing na nuisance candidates o mga panggulo lamang. May prosesong susundin upang matiyak na walang anumang batas na malalabag.
Na sa batas, ayon sa Republic Act 9639 ang automated elections at kung kakailanganin ng bagong batas para sa automation, makagagawa kaagad sapagkat mayroong joint oversight committee sa Senado at Congreso.
Magkakaroon ng pagtatanghal ang grupo ni G. Lagman sa tanggapan ni Chairman Bautista upang makita ang kanilang mungkahing sistema sa halalan. Hindi na rin mangangailangan na nakatuon ang pansin sa mga usaping legal sapagkat nagagahol na ang lahat sa oras. Hinahanap nila sa Comelec ang pinakamagandang sistema sa daigdig ng makabagong teknolohiya upang mapagtibay pa ang mga paraan sa pagbibilang. Mayroong oversight committee na tutulong sa Commission on Elections, dagdag pa ni Chairman Bautista. Tinataya niyang magkakaroon ng 56 milyong mga botante sa Pilipinas.
Sinabi ni dating National Statistics Office Administrator Carmelita N. Ericta na tinatayang mayroong 100 milyong mga Filipino. Magkakaroon din ng census sa darating na Agosto at inaasahan niyang mas mababa ang population growth rate na naglalaro mula sa 1.6 hanggang 1.9%.
Para kay dating Election Commissioner Gus Lagman, itatanghal nila kay Chairman Bautista at sa dalawa pang bagong commissioners ang kanilang nabuong solution. Pinanindigan niyang hindi tamang tugon ang Precinct Count Optical Scan. Nararapat lamang silang pagtiwalaan sa kanilang mungkahi sapagkat ito na ang kanilang buhay.
Bagaman, sinabi ni G. Lagman na napapanahon ng makipag-usap ang Commission on Elections sa telecommunication providers upang matiyak ang transmission ng elections results sa mga tanggapan ng Comelec at mga kabalikat na ahensya.
Noong nakalipas na 2010 elections, may 9% ng PCOS machines ang hindi nakapag-transmit at noong 2013, umabot sa 23% ang hindi nakapag-transmit. Noon umanong nasa NAMFREL pa siya, inuuna nila ang pakikipag-usap sa mga telecommunications experts ng bansa matiyak lamang ang transmision sa tamang oras.
Sapat na ang mga batas sa halalan. Ito ang sinabi ni Atty. Manuelito Luna, isang law practitioner na dating pinuno ng Board of Election Inspectors. Nakikita niya ang mga problemang kinakaharap ng Comelec at nararapat lamang tulungan ang bagong pamunuan.
Layunin ng Commission on Elections na maging Efficient, Accountable at Transparent ang kanilang mga gagawin sa darating na halalan. Bagama't walang sistemang maituturing na perpekto, sinabi ni Chairman Bautista na layunin nilang matuloy ang halalan sa takdang panahon.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |