SA pangarap ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na matatamo ng Pilipinas ang "First world" status kung maipagpapatuloy ang kanyang mga programa, kakaiba ang naging pananaw ng IBON Research.
Kung ang pakahulugan niya sa "First world" ay may kinalaman sa mayaman at maunlad, napakalayong magkatotoo ng panaginip sapagkat sagka ang mga neoliberal policies na ipinatutupad ng kanyang pamahalaan.
Ginawa ni Pangulong Aquino ang kanyang talumpati sa Oplan Balik-Eskwela 2015 at Brigada Eskwela sa Marikina Elementary School. Binanggit din ng pangulo ang kanyang poverty-alleviation at social service programs at ang mga nagawa sa nakalipas na limang taon. Kasama na rito ang pagbaba ng bilang ng mga walang trabaho at pagbabawas ng bilang ng mga nagugutom.
Ang binabanggit ni Pangulong Aquino ay ang pagbubukas ng ekonomiya at yaman ng bansa sa malalaking local at foreign business opportunities. Hindi na ito ang kalakaran sa mga bansang may maaasahang industrialisasyon na tinaguriang "First world."
Idinagdag pa ng IBON, sa nakalipas na maraming dekada, ang mga bansang tulad ng Estados Unidos, European Union at Japan ang nagpatupad ng pagsasanggalang at pagpapalago ng kanilang sariling industriya.