UMAASA ang pamahalaan na mabibigyan ni Indonesian president Joko Widodo ng executive clemency ang nahatulan ng parusang kamatayang si Mary Jane Veloso.
Ito ang paniniwala at pahayag ni Justice Secretary Leila De Lima kanina sa ginawang pagdinig sa House of Representatives. Niliwanag niyang hindi naman pinipilit ng pamahalaan na bigyan ng executive clemency si Veloso upang hindi magkaroon ng pressure.
Bukod sa executive clemency, pardon o commutation of sentence ang kanilang tinitingnan. Hindi natuloy ang paggagawad ng parusang kamatayan matapos lumutang ang sinasabing recruiter na si Maria Kristina Sergio at nagtungo sa pulisya sa Nueva Ecija.
Hiniling ng Pilipinas ang suspension ng parusa kay Veloso sapagkat kinikilala siyang saksi laban kay Sergio na nahaharap sa kasong human trafficking, illegal recruitment at estafa.