Nagpalabas ngayong araw ng patalastas ang Ministri ng Komersyo ng Tsina na nagsasabing wala itong kaugnayan sa isyu ng bigas na yari sa plastik o plastic rice sa Indonesia dahil sapul noong 2008 wala nang iniluluwas na bigas ang Tsina sa nasabing bansang ASEAN.
Idinagdag pa ng ministring Tsino na batay sa alituntunin ng World Trade Organization (WTO), isinasagawa ng Tsina ang "state trading" at may quota pagdating sa pagluluwas ng bigas. Batay sa "state trade," dalawang kompanyang Tsino na kinabibilangan ng China National Cereals, Oils and Foodstuffs Corporation at Jilin Province Cereals, Oils and Foodstuffs Import and Export Corporation ang pinahihintulutang magluwas ng bigas.
Ipinagdiinan din ng ministring Tsino na buong-higpit na sinusubaybayan ng Tsina ang isyung ito. Umaasa anito ring malalaman ng Indonesia ang katotohanan hinggil dito, sa lalong madaling panahon.
May natuklasang "plastic rice" sa Indonesia nitong ilang araw na nakalipas. Ayon sa ilang media na gaya ng Asia News Networks, ang "plastic rice" ay nanggaling sa Tsina.
Salin: Jade