|
||||||||
|
||
PINAMUNUAN ni Education Secretary Bro. Armin Luistro ang pagbubukas ng klase sa kanyang pagsalubong sa mga mag-aaral sa dalawang pulo sa Davao Occidental.
Sinalubong ni Kalihim Luistro ang may 200 mag-aaral sa Mabila Elementary School sa bayan ng Saranggani na pinamunuan niya ang pagtataas ng watawat ng bansa.
Karamihan sa mga mag-aaral ay mula sa mga tribung B'laan at Sangil. Ayon sa media reports, tiniyak ni Brol Luistro sa mga mag-aaral at mga guro na hindi napapabayaan ang kanilang kalagayan ng pamahalaang pambansa.
Ito umano ang dahilan kaya dumalaw sila sa Mabila Elementary School upang ipaalam na hindi sila nalilimutan. Namahagi rin siya ng mga gamit sa pag-aaral.
Nagtungo sila sa Angel Olarte Elementary School at sa Alberto Olarte High School. Sumakay ng habal-habal ng mga kalahating oras si Bro. Armin upang makarating sa Guillerma Olarte Primary School sa pulo. Dadalaw din siya sa 18 mga paaralan sa Balut at Saranggani islands sa bayan.
Nakapaghanda ang may 46,524 na paaralan upang tanggapin ang may 23 milyong mag-aaral na bumalik sa mga eskwelahan ngayong taon.
Sa kalakhang Maynila, sinabi ng Malacanang na mayroong 800 traffic enforcers ang ikinalat ng Metro Manila Development Authority at Philippine National Police upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral.
Idinagdag pa ng Malacanang na ito rin ang kautusan sa buong pulisya ng bansa na tiyaking ligtas ang mga mag-aaaral sa masasamang elemento.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |