|
||||||||
|
||
SINABI ni Ruby Tuason na pinili niya ang katotohanan kaysa pakikipagkaibigan sa kanyang pagharap sa Sandiganbayan sa pag-uusig kay Senador Jose "Jinggoy" Estrada.
Tumanggi umano si Senador Estrada na tulungan siya ng pumutok ang pork barrel scam. Sa kanyang pagharap bilang state witness sa kauna-unahang pagkakataon sa Fifth Division ng Sandiganbayan kanina, sinabi ni Tuason na tumakas siya patungong Estados unidos noong Agosto 2013 ng pumutok ang pork barrel scam sa pangamba sa kanyang sariling buhay.
Ayon kay Bb. Tuason, tinawagan siya ni Estrada noong nasa America na siya at hiniling niyang tulungan siya ng mambabatas. Tumanggi umano ang senador at nagsabing pareho lang sila ng situwasyon.
Maliwanag umano na lumalayo na si Senador Jinggoy Estrada sa kanya. Buong akala umano niya ay magkakaibigan sila subalit malinaw na hindi pala sila magkapalagayang-loob.
Pinagpilian niya ang pagkakaibigan at pagsasabi ng katotohanan. Pinili niya ang katotohanan, dagdag pa ng socialite. Inamin ni Tuason sa Senado na nagdala siya ng salaping nakalagay sa mga bag sa tanggapan ni Senador Estrada sa senado. Naglalaman umano ito ng kickbacks. Napipiit si Estrada sa kasong plunder sa paglilipat umano ng Priority Development Assistance Funds sa ilang ghost projects.
Sangkot din sa usapin sina Senador Ramon Revilla, Jr. at Juan Ponce Enrile at mga dating kongresista na sina Rizalina Seachon Lanete at Edgar Valdez. Detinido ang mastermind na si Janet Lim-Napoles sa kasong plunder.
Nahatulang mabilanggo si Ginang Napoles sa kasong serious illegal detention ng principal whistleblower na si Benhur Luy.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |