Patuloy na nagpulong kahapon sa Vienna ang iba't ibang may kinalamang panig sa isyung nuklear ng Iran, para talakayin ang mga nilalaman ng komprehensibong kasunduan hinggil sa isyung ito, na nakatakdang marating sa ika-7 ng kasalukuyang buwan.
Nang araw ring iyon, patuloy na isinagawa ang mga pulong na kinabibilangan ng one-on-one talk nina John Kerry, Kalihim ng Estado ng Amerika, at Javad Zarif, Ministrong Panlabas ng Iran; talastasan hinggil sa mga isyung teknikal nina Ali Akbar Salehi, Puno ng Atomic Energy Organization ng Iran, at Ernest Moniz, Kalihim ng Enerhiya ng Amerika; pulitikal na pagsasanggunian ng iba't ibang panig; at talastasan ng grupong teknikal. Samantala, posible naman muling sumama sa pulong ang mga ministrong panlabas ng Britanya, Pransya, Rusya, Tsina, at Alemanya, para gumawa ng pinal na pagsisikap sa pagkakaroon ng nabanggit na kasunduan.
Dumating naman kahapon sa Vienna si Yukiya Amano, Puno ng International Atomic Energy Agency (IAEA), pagkatapos ng kanyang pagdalaw sa Iran. Sinabi ni Amano na ipapalabas ng IAEA sa katapusan ng taong ito ang isang ulat para magbigay ng paliwanag at pagtasa hinggil sa posibleng layong militar ng planong nuklear ng Iran. Aniya, ang paggawa ng iskedyul na ito ay magbibigay-daan sa pagkakaroon ng komprehensibong kasunduan hinggil sa isyung nuklear ng Iran.
Salin: Liu Kai