Sa isang regular na preskon kahapon, ipinahayag ni Tagapagsalita Hua Chunying ng Ministring Panlabas ng Tsina na palagian at malinaw ang posisyon at paninindigan ng panig Tsino sa isyu ng East China Sea at South China Sea, at tinututulan ng panig Tsino ang di-makatuwirang pagbatikos ng panig Hapones sa panig Tsino.
Ayon sa ulat, hindi pinagtibay kamakalawa ng Liberal Democratic Party (LDP) ang "Defense White Paper" para sa taong 2015. Ipinalalagay ng ilang Japanese statesmen na dapat idagdag sa nilalaman ng white paper ang pagpapasulong ng Tsina ng paggagalugad ng natural gas sa East China Sea at mga litrato ng konstruksyon ng Tsina sa South China Sea.
Tinukoy ni Hua na kamakailan, ikinababahala ng kanyang bansa ang isang serye ng negatibong aksyon ng Hapon sa larangan ng seguridad na militar. Aniya, may katuwiran ang panig Tsino sa pagkakabalisa at pagduda sa patakaran at direksyon ng pag-unlad ng Hapon.
Dagdag pa ng tagapagsalitang Tsino, umaasa ang panig Tsino na malalimang pag-aaralan ng Hapon ang historikal na aral, at igigiit ang pagtahak sa landas ng mapayapang pag-unlad para mapatingkad ang konstruktibong papel sa pangangalaga sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon.
Salin: Li Feng