|
||||||||
|
||
SISIMULAN ng mga Katoliko sa Pilipinas ang pananalangin para sa kapayapaan sa South China Sea. Ito ang sinabi ni Arsobispo Socrates B. Villegas, pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines sa isang press briefing sa pagtatapos ng kanilang plenary session sa Pope Pius XII Catholic Center kanina.
Kailangang manalangin upang maghari ang kapayapaan sapagkat sa oras na sumiklab ang kaguluhan at hindi maaiwasang hindi masangkot ang Simbahan sa Pilipinas.
Ayon kay Arsobispo Villegas, ang pagsusulong ng kapayapaan ang siyang gawain ng simbahan. Bagama't walang kakayahang makipag-usap sa mga superpower at kumatawan sa Pilipinas sa mga hukumang pandaigdig, sinabi ni Arsobispo Villegas na ang mga mananampalataya kasama ang mga obispo at mga pari ang magiging kinatawan ng mga Pilipino sa harap ng Panginoong Diyos upang mapangalagaan ang mga mamamayan.
Ang panalangin ay pinamagatang Oratio Imperata in Time of Grave Danger at pinamunuang dasalin ni Arsobispo Villegas sa pagtatapos ng press briefing. Nabanggit sa panalangin ang pangamba sa nagaganap sa karagatan kaya't nananalangin para sa kapayapaan sa nasasakupan ng bansa.
Kabilang sa kahilingan sa panalangin ang pangangailangang malutas ang 'di pagkakaunawaan ayon sa katarungan at paggalang sa mga karapatan ng madla. Nananalangin din ang mga manananmpalataya na iligtas ang mga nasa karagatan mula sa anumang panganib.
Tinawag na Oratio Imperata o obligatory prayer, darasalin ito ng mga mamamayan bago matapos ang bawat Misa sa buong bansa. Mayroong 2,966 mga parokya sa buong Pilipinas.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |