NABUNYAG ang ibayong paghihirap ng mga mamamayang nagkakasakit lalo pa't malubha tulad ng cancer. Ito ang sinabi ni Ma. Fatima Garcia-Lorenzo, pangulo ng Philippine Alliance of Patient Organizations sa idinaos na Tapatan sa Aristocrat kaninang umaga.
Sinabi ni Gng. Lorenzo na isa sa mga problema ng mga pasyente ay ang kawalan ng kinatawan sa Philippine Health Insurance Board of Directors, kahirapang makahingi ng tulong mula sa mga ahensya ng pamahalaan tulad ng Philippine Charity Sweepstakes Office, ang kahirapan ng mga karamdamang hindi pa kasama sa guidelines ng PhilHealth at ang kakulangan ng mga pribadong ospital na nakakasama sa mga programa ng health insurance.
Ayon kay Delio Aseron, isa sa mga opisyal ng PhilHealth, may kaukulang program ang kanilang tanggapan para sa mga nangangailangan ng tulong.
Niliwanag din ni Dr. Israel Francis A. Pargas, Officer-In-Charge ng Corporate Affairs Group ng PhilHealth na hindi magtatagal ay lalagda na ang mga pribadong ospital ng kasunduan upang mapakinabangan ang mga palatuntunan ng government owned and controlled corporation ng higit na nakararami sa mga mamamayang kabilang sa health insurance.
Hindi na umano magagamit ng mga politiko ang health insurance sapagkat kailangang bayaran na niya ang membership sa buong taonb na nagkakahalaga ng P 2,400 bawat isang kasapi.