NANAWAGAN si Deputy Director General Leonardo Espina, officer-in-charge ng Philippine National Police sa kanyang mga tauhan sa kanyang pagreretiro sa darating na Huwebes na suportahan ang kanyang magiging kapalit.
Sa kanyang talumpati sa harap ng mga pulis sa huling flag-raising event niya bilang pinuno ng PNP, sinabi niyang obligasyon ng mga pulis na maglingkod, magpanatili ng karangalan at magpahalaga sa katarungan.
Si Espina ang namuno sa may 150,000 pulis matapos masuspinde si Director General Alan Purisima sa likod ng kaduda-dudang transaksyong nagkakahalaga ng P 100 milyon sa isang courier firm na magdadala ng mga lisensya sa mga aplikante sa buong bansa.
Pinasalamatan niya ang lahat ng mga tauhan ng PNP mula sa matataas na opisyal hanggang sa non-uniformed staff sa kanilang tulong sa loob ng pitong buwan sa tanggapan.
Kasama niya ang kanyang maybahay na si maria Dinna sa flag-raising ceremony.