Ayon sa Xinhua News Agency ng Tsina, 109 ilegal na immigrant na Tsino sa Thailand at mga miyembro ng grupong tagapagpuslit ng tao ang pinabalik kamakailan ng awtoridad na Thai. Kaugnay nito, ipinahayag kahapon ng Embahada ng Tsina sa Thailand na ang aksyong ito ay angkop sa katugong regulasyong pandaigdig at bilateral na kasunduang pangkooperasyon ng Tsina at Thailand. Tinututulan anito ng Tsina ang walang-batayang pagbatikos mula sa ilang bansa at puwersang pampulitika hinggil dito.
Anito pa, sa paanyaya ng pamahalaang Tsino, dadalaw sa Tsina si Anusit Kunakorn, Puno ng Awtoridad na Panseguridad ng Thailand, mula ika-15 ng buwang ito, at magpapalitan ng kuru-kuro ang dalawang panig hinggil sa kooperasyon ng pagpapatupad ng batas at paglutas sa mga isyung may-kinalaman sa mga ilegal na mandarayuhan.