Nakipag-usap sa telepono ngayong araw si Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina kay Pangkalahatang Kalihim Ban Ki-moon ng United Nations (UN).
Ipinahayag ni Ban na gumawa ang panig Tsino ng mahalagang papel para sa pagkakaroon ng historikal na komprehensibong kasunduan sa isyung nuklear ng Iran. Pinagtibay kamakalawa ng UN Security Council (UNSC) ang resolusyon ng pagsusuri at pagkilala sa naturang kasunduan. Nananalig aniya siyang patuloy na magkakaloob ang panig Tsino ng malakas na suporta sa pagpapatupad ng komprehensibong kasunduan at resolusyon ng UNSC.
Pinasalamatan naman ni Wang ang positibong pagtasa ni Ban sa papel ng Tsina. Sinabi niyang nakahanda ang Tsina, kasama ng iba't ibang may kinalamang panig na kinabibilangan ng UN, na gumawa ng bagong ambag sa maalwang pagpapatupad ng komprehensibong kasunduan, batay sa responsableng pakikitungo.
Salin: Vera