|
||||||||
|
||
Mahigit 50 pambihirang punong-kahoy, mahigit 900 toneladang malalaking bato, rockery, orchard, pabilyon… Ang lahat ng mga ito ay elemento ng isang pribadong hardin sa likod-bahay ng isang lokal na negosyente ng Chongqing, Tsina.
3,000 metro kuwadrado ang naturang pribadong hardin na pinag-ukulan ng 80 milyong yuan RMB (o halos 13 milyong dolyares). Tumagal ng 5 taon ang konstruksyon nito.
Ayon kay Ginoong Li, may-ari ng hardin, kabilang sa mga elemento sa loob ng hardin, ang mga pambihirang punong-kahoy na kinabibilangan ng podocarpus macrophyllus, ginkgo, Pinus thunbergii, camellia at iba pa ay pinakanasisiyahan at pinakamahal na koleksyon niya.
Lumampas sa 20 milyong yuan RMB (o 3.22 milyong dolyares) ang gastos sa mga halaman sa loob ng hardin, at 6.8 milyong yuan RMB (o mahigit 1 milyong dolyares) ang halaga ng isang mahigit 1000 taong gulang na podocarpus macrophyllus.
"Walang partikular na dahilan, mahilig ako sa mga punong-kahoy," sabi ni Ginoong Li. Aniya, noong 2010, natuklasan niya ang lokasyon ng harding ito. Napakaganda ng kapaligiran doon na may lawa at putting green sa paligid, at talagang pinakamagandang pagpili sa pagtatatag ng hardin. Kaya binili ni Li ang lupang ito, at ginawa ang isang hardin doon.
Salin: Vera
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |