Dumating na kahapon sa Paris, Pransya, ang isang piraso ng labi ng eroplanong natuklasan kamakailan sa Reunion Island sa Indian Ocean. Ang labing ito na 2 metro ang haba ay pinaghihinalaang bahagi ng Flight MH370 ng Malaysia Airlines na nawala noong Marso ng nagdaang taon.
Ayon sa panig Pranses, susuriin ang nasabing labi sa Ministri ng Tanggulan ng Pransya, para kumpirmahin kung ito ay bahagi ng MH370. Sisimulan ang pagsusuri sa ika-5 ng buwang ito, habang sasaksihan naman ng mga tagapagsiyasat mula sa Malaysia at Boeing Company ang buong proseso ng pagsusuri.
Samantala, ipinahayag kahapon sa Kuala Lumpur ni Liow Tiong Lai, Ministro ng Komunikasyon ng Malaysia, na hanggang sa kasalukuyan, hindi pa nakukumpirmang ang nabanggit na labi ng eroplano ay bahagi ng MH370. Nanawagan siya sa publiko na hintayin na lamang ang resulta ng pagsusuri, at huwag gumawa ng espekulasyon.
Ayon pa rin kay Liow, nagpadala na ang Malaysia ng dalawang working group, ang isa ay pupunta sa Pransya para lumahok sa pagsusuri, at isa naman ay pupunta sa Reunion Island para ipagpatuloy ang paghahanap.
Salin: Liu Kai