Kaugnay ng mga pinaghihinalaang labi ng Flight MH370 ng Malaysia Airlines na natuklasan sa Reunion Island, ipinahayag kahapon ni Punong Ministro Najib Razak ng Malaysia na ihahatid ang mga labing ito sa Pransya, para suriin at kumpirmahin kung ang mga ito ay bahagi ng naturang eroplano.
Sinabi naman ng namamahalang tauhan ng Department of Civil Aviation ng Malaysia, na may pag-asang ilalabas ang resulta ng naturang pagsusuri pagkatapos ng dalawang araw.
Samantala, ipinahayag kahapon ni Pangalawang Punong Ministro Warren Truss ng Australia, na kung makukumpirmang ang naturang mga labi ay kabilang sa MH370, magkakaloob ito ng mahalagang bakas para sa paghahanap ng naturang eroplano. Sinabi rin niyang bago ilabas ang resulta, ipagpapatuloy, alinsunod sa nakatakdang plano, ang paghahanap sa MH370 sa karagatan sa labas ng Perth, Australia.
Salin: Liu Kai