MATAGUMPAY na nakapagpalista sa University of Santo Tomas si Krisel Mallari, ang salutatorian ng isang paaralan sa Quezon City na hindi binigyan ng certificate of good moral character matapos tuligsain ang kanyang pinag-aralan dahil sa diumano'y maling pagkakakwenta ng grades sa Fourth Year.
Pumabor ang Court of Appeals sa kanyang petisyon na humihiling na utusan ang paaralang pinagtapusan na maglabas ng certificate of good moral character.
Ayon kay Dr. Tony Leachon ng UST Alumni Association, ipinaliwanag ng pamantasan na tanging barangay clearance lamang ang requirement upang makapasok sa kanyang kursong Accountancy.
Ipinaliwanag ni Chief Public Attorney Persida V. Rueda-Acosta na tinanggap ang kanilang kliyente dahil sa credentials at hindi sa sinasabing conditional certificate of good moral character tulad ng ibinabalita ng ibang mga mamamahayag.
Nagpasalamat si Krisel Mallari sa lahat ng mga tumulong upang makapagsimula na siya ng pag-aaral.