SEOUL, Timog Korea—Sa kanyang pagbisita kahapon sa Seodaemun Prison Museum, lumuhod si Yukio Hatoyama, dating Punong Ministro ng Hapon, sa harap ng monumento ng mga martir bilang paghingi ng paumanhin sa mga mamamayang Timog Koreano, dahil sa mga krimen na ginawa ng Hapon noong panahon ng kolonisasyon.
Dumalaw sa Timog Korea ang dating punong ministrong Hapones para lumahok sa Pandaigdig na Pulong sa Kapayapaan ng Silangang Asya para sa 2015.
Sa panayam sa media ng Timog Korea, ipinagdiinan niyang kailangang ganap na maunawaan ni Punong Ministro Shinzo Abe ang mga pangunahing elemento sa Murayama Statement na kinabibilangan ng paghingi ng paumanhin, at pagsisisi sa kolonisasyon at pananalakay. Hinimok din niya si Abe na ilakip ang nasabing mga elemento sa ipapahayag niyang talumpati sa okasyon ng ika-70 anibersaryo ng pagtatapos ng World War II (WWII).
Noong 1995, bilang paggunita sa ika-50 anibersaryo ng pagtatapos ng World War II, ipinahayag ni Murayama ang talumpati kung saan sa ngalan ng pamahalaang Hapones, pinagsisihan niya ang mapanalakay na kasaysayan ng bansa at humingi ng paumanhin sa mga nabiktimang bansang Asyano. Ang talumpati ay tinawag na Murayama Statement.
Salin: Jade