SA pagsisimula ng Armed Forces of the Filipino People Week, nanawagan si AFP Chief of Staff, General Hernando DCA Iriberri sa mga kawal na pag-ibayuhin ang paglilingkod sa mga mamamayan at pagtupad sa mga pinahahalagahan ng tanggapan.
Ani General Iriberri, kailangang pag-ibayuhin ang paggalang at pagkilala sa karangalan, paglilingkod at katapatan.
Sa kanyang talumpati sa flag-raising ceremonies kanina, ipina-alala ni General Iriberri sa mga kawal, airmen at sailors na gunitain din ang pagsasakripisyo ng mga tauhan ng AFP upang matupad ang kanilang obligasyon sa taongbayan.
Ayon sa Republic Act No.10664 na kilala sa pagdedeklara ng huling linggo ng Agosto bilang Armed Forces of the Filipino People week, magkakaroon ng pagkakataon ang mga tauhang gumawa ng pinakamabuti sa taongbayan.
Nakapasa ito at nalagdaan bilang batas ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III noong ika-6 ng Hulyo na bigyan ng kaukulang pagkilala ang mahalagang papel ng mga opisyal at mga tauhan ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa kaunlaran ng bansa.