Bilang paggunita sa ika-70 anibersaryo ng pagtatapos ng World War II (WWII), idinaos kahapon sa Hong Kong ang parada na binubuo ng mga kabataan at beterano ng WWII.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Lau Kong Wah JP, Direktor ng Home Affairs Bureau ng Espesyal na Rehiyong Administratibo ng Hong Kong (HKSAR), na ang Hong Kong ay mahalagang base ng paglaban sa pananalakay ng mga militaristang Hapones noong WWII at palagiang kinatigan ng mga mamamayan ng Hong Kong ang mga kababayan sa mainland sa paglaban nito. Aniya, nakaranas ang mga mamamayan ng Hong Kong ng 3 taon at 8 buwang "malagim na araw," at nag-iwan ito ng malalim na impresyon sa kanila.
Tinukoy ni Lau na ang ika-3 ng Setyembre sa taong ito ay public holiday ng Hong Kong, at idaraos ang mga serye ng aktibidad bilang paggunita sa pagtatapos ng WWII. Umaasa siyang gugunitain ng mga kabataan ang kasaysayan hinggil sa paglaban sa pananalakay ng mga militaristang Hapones, para pag-ingatan ang kasalukuyang kasaganan at katatagan ng lipunan, para mapanatili ang kapayapaan at kaunlaran, at makalikha ng magandang hinaharap.
Salin: Andrea