Nakipagtagpo ngayong araw sa Great Hall of the People, Beijing si Pangulong Xi Jinping ng Tsina kay Pangulong Thein Sein ng Myanmar.
Tinukoy ni Xi na ang pagdalo ng Pangulo ng Myanmar sa mga aktibidad ng Tsina bilang paggunita sa ika-70 anibersaryo ng pagtatapos ng World War II (WWII) na naganap kahapon ay nagpakita ng lubusang pagpapahalaga niya sa relasyon ng Tsina at Myanmar. Aniya, noong World War II, nagbigay ang dalawang bansa ng malaking ambag sa tagumpay na paglaban sa pananalakay ng mga pasista. Nakahanda aniya ang Tsina na sa pamamagitan ng aktibidad na ito, maalaala ang kasaysayan at mga bayani, at magkakasamang pangalagaan ang pinaghirapang kapayapaan, kasama ng iba't ibang bansa ng daigdig.
Binigyan-diin ni Xi na pinapupurihan ng Tsina ang Myanmar sa pagkatig sa "One Belt And One Road Initiative," at nakahandang pahigpitin ang kooperasyon sa Myanmar, para mapasulong ang mga may kinalamang proyekto, upang gumanap ng positibong papel sa pagpapaunlad ng kabuhayan at lipunan ng Myanmar. Ani Xi, nakahanda rin ang Tsina, kasama ng Myanmar, na magtalakayan hinggil sa mga hakbangin para mapalawak ang kabuhayan, kalakalan at pagpapalitang kultural sa hanggahan ng dalawang bansa, para makapaghatid ng benepisyo sa kanilang mga mamamayan. Aniya pa, patuloy na tutulong ang Tsina sa rekonstruksyon ng Myanmar pagkaraan ng baha.
Ipinahayag naman ni Pangulong Thein Sein na sinalakay din ang Myanmar noong WWII. Ang kanyang pagdalo sa aktibidad ng Tsina ay para gunitain ang kasaysayan at maipakita ang pagpapahalaga niya sa relasyon ng Myanmar at Tsina. Aniya, pinasalamatan ng Myanmar ang pangmatagalang tulong at pagkatig ng Tsina, lalong lalo na, pagkaraang makaranas ang Myanmar sa baha, agarang binigyan ng Tsina ang Myanmar ng tulong. Nakahandang patuloy na palalimin ng Myanmar ang pragmatikong kooperasyon sa Tsina sa iba't ibang larangan gaya ng imprastruktura, connectivity ng transportasyon at komunikasyon.
Salin: Andrea