Binuksan ngayong araw sa Nanning, punong lunsod ng Rehiyong Awtonomo ng Lahing Zhuang ng Guangxi, Tsina, ang Ika-12 China ASEAN Expo (CAEXPO) at Ika-12 China ASEAN Business and Investment Summit (CABIS).
Dumalo sa seremonya ng pagbubukas si Pangalawang Premyer Zhang Gaoli ng Tsina, at ang mga mataas na opisyal ng iba't ibang bansang ASEAN.
Sa kanyang talumpati, binigyan ni Zhang ng positibong pagtasa ang pag-unlad ng relasyong Sino-ASEAN, lalung-lalo na sa mga aspekto ng pulitika, kabuhayan, at iba't ibang uri ng kooperasyon. Aniya, lubos na pinahahalagahan ng Tsina ang relasyon sa ASEAN, at patuloy na isasagawa ang mga patakarang naglalayong ibayo pang palakasin ang kooperasyon ng dalawang panig.
Binanggit din ni Zhang ang isyu ng South China Sea. Aniya, ang kapayapaan at katatagan sa South China Sea ay mahalaga para sa kaunlaran at kasaganaan ng rehiyong ito, at kabiyayaan ng mga lokal na mamamayan. Inulit niya ang kahandaan ng Tsina, kasama ng iba't ibang bansang ASEAN, na ipatupad ang Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea, at pabilisin ang pagsasanggunian hinggil sa Code of Conduct, para magkakasamang pangalagaan ang kapayapaan at katatatagan ng karagatang ito.
Salin: Liu Kai