|
||||||||
|
||
Ginanap ngayong araw sa Beijing Hotel ang talakayan hinggil sa Political Leadership: New Consensus for Political Parties, aktibidad na bahagi ng Asian Political Parties' Special Conference on the Silk Road.
ICAPP, suportado ang muling pagtatatag ng Silk Road
Moderator sa nasabing talakayan si Jose de Venecia Jr., dating Speaker ng Mababang Kapulungan ng Pilipinas at founding Chairman ng International Conference of Asian Political Parties (ICAPP).
Sa panayam sa CRI Serbisyo Filipino, sinabi ni de Venecia na nagkakaisa ng palagay ang mga kinatawan ng mga partidong pulitikal sa muling pagbubukas ng Silk Road matapos ang 2000 taon.
Si Jose de Venecia, founding chairman ng ICAPP, habang kinakapanayam ng CRI reporter na si Mac Ramos
Ayon kay de Venecia, labinlimang taon matapos itatag ang ICAPP noong 2000, ang samahan sa kasalukuyan ay binubuo ng 350 naghahari, oposisyon at indipendiyenteng mga partido pulitikal sa buong mundo. At ikinagagalak niyang maging bahagi ang ICAPP sa makasaysayang Belt and Road Initiative na isinusulong ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina. Ang Belt and Road ay pinaikling termino ng Silk Road Economic Belt at 21st Century Maritime Silk Road na iniharap ng Tsina para maisakatuparan ang magkakasamang pag-unlad ng iba't ibang bansa.
Belt and Road Initiative: mag-uugnay ng iba't ibang bahagi ng daigdig
Ani de Venecia, imumungkahi niya ang pagsama ng Pilipinas sa 21ST Maritime Silk Road na dumadaan sa South China Sea, sa kabila ng di-pagkakaunawaang pandagat ng Pilipinas at Tsina. Ipinagdiinan ni de Venecia na estratehikong ruta ang South China Sea tungo sa Australia, New Zealand at Oceania, at kung maisasakatuparan ang Maritime Silk Road, magiging bahagi ng bagong Silk Road ang Asya, Europa, Aprika at Australia.
Nagbigay ng kani-kanilang mga pananaw hinggil sa Belt and Road Initiative ang mga lider ng partido mula sa Tsina, Georgia, Indonesia, Sudan, Iran, Timor Leste, Nepal, Afghanistan, Kazakhstan, Kyrgyzstan, Malaysia, India, Hapon, Pakistan, Rusya, Sri Lanka, Singapore, Turkey, Turkmenistan, Vietnam at Mexico.
Ang mga input ng bawat partido ay lalagumin at magiging bahagi ng Beijing Initiative na inaasahang ilalabas sa pagtatapos ng kumperensiya ngayong Biyernes.
Ulat: Mac/Andrea
Larawan: Andrea
Editor: Rhio/Jade
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |