Sa kanyang pakikipagtagpo kahapon sa mga dayuhang delegado sa espesyal na kumperensiya ng Asian Political Parties sa Silk Road, na idinaos sa Beijing, sinabi ni Xi Jinping, Pangkalahatang Kalihim ng Partido Kumunista ng Tsina (CPC) na may mahalagang katuturan ang talakayan ng mga kalahok hinggil sa pagpapasulong ng "Silk Road Economic Belt at 21st Century Maritime Silk Road" o "One Belt, One Road Initiative," batay sa temang "New Vision of The Silk Road, Actions for Common Development."
Idinagdag ni Xi na bilang isang maginhawang usapin sa mga bansa sa kahabaan ng "One Belt, One Road," ang pagpapabilis ng usaping ito ay makakatulong, hindi lamang sa kasaganaang pangkabuhayan ng mga may-kinalamang bansa at pagtutulungang pangkabuhayan ng rehiyon, kundi pagpapasulong din ng pagpapalitan sa pagitan ng ibat-ibang sibilisasyon, at kapayapaan at kaunlaran ng daigdig. Nananalig aniya siyang ang kasalukuyang pagtitipon ay magpapasulong sa konstruksyon ng "One Belt, One Road Initiative."
Ipinahayag naman ng mga delegado ang pagtanggap sa naturang inisyatibo. Anila, ito'y magbibigay ng pagkakataon para sa magkakasamang pag-unlad at kasaganaan sa mga may-kinalamang panig. Anila pa, ang kasalukuyang kumperensiya ay nagbibigay ng plataporma para sa talakayan ng mga partido pulitikal ng Asya, kasama ng CPC, hinggil sa konstruksyon ng nasabing inisyatibo.
Kabilang sa mga delegado si Jose de Venecia Jr., Founding Chairman ng ICAPP at tanging kinatawan ng Pilipinas.