Sa pulong na idinaos kahapon sa Vienna at nilahukan ng mga diplomata ng 17 bansa, United Nations at Unyong Europeo, narating ang ilang plano hinggil sa prosesong pangkapayapaan ng Syria sa ilalim ng pamumuno ng UN.
Ang naturang mga plano ay kinabibilangan ng pagsasakatuparan ng tigil-putukan sa pagitan ng pamahalaan at mga puwersang kontra-gobyerno ng Syria, at pagdaraos ng malayang halalan hinggil sa lider ng bansang ito sa hinaharap.
Sa nasabing pulong, umiiral pa rin ang pagkakaiba hinggil sa pananatili o hindi sa kasalukuyang posisyon ni Pangulong Bashar al-Assad ng Syria. Pero, ipinalalagay ng mga diplomata na ang isyung ito ay hindi hadlang sa pulitikal na paglutas sa isyu ng Syria.
Sinang-ayunan din ng mga diplomata na sa loob ng darating na dalawang linggo, idaraos ang isa pang pulong hinggil sa isyu ng Syria.
Sa kanya namang paglahok sa pulong, iniharap ni Pangalawang Ministrong Panlabas Li Baodong ng Tsina ang 4 na puntong mungkahi ng kanyang bansa hinggil sa paglutas sa isyu ng Syria. Ang mga ito ay kinabibilangan ng agarang pagsasakatuparan ng tigil-putukan, paggawa sa lalong madaling panahon ng konkretong plano hinggil sa transisyong pulitikal, pagpapatingkad ng papel ng UN sa medyasyon, at pagsisimula ng rekonstruksyon para ipakita sa iba't ibang panig ng Syria ang benepisyong dulot ng kapayapaan.
Salin: Liu Kai