|
||||||||
|
||
Natapos kahapon sa Seoul, Timog Korea ang ika-6 na Summit ng Tsina, Timog Korea at Hapon. Sa preskon pagkatapos ng summit, magkasamang humarap sa media sina Premyer Li Keqiang ng Tsina, Pangulong Park Geun-hye ng Timog Korea at Punong Ministro Shinzo Abe ng Hapon.
Ipinahayag ni Premyer Li na nagpalitan ng kuru-kuro ang mga lider ng tatlong bansa hinggil sa kanilang pagtutulungan sa mga isyung panrehiyon at pandaigdig na kapuwa nila pinahahalagahan. Suportado aniya ng tatlong panig ang maayos na paglutas sa mga sensitibong isyung pangkasaysayan, batay sa seryosong pagharap sa kasaysayan at pangmalayuang pananaw. Aniya, positibo sila sa pagpapasulong ng integrasyong pangkabuhayan ng Silangang Asya para pasulungin ang kasiglaan ng Asya, at kapayapaan at kaunlaran ng daigdig.
Binigyang diin ni Li na sa ika-70 anibersaryo ng tagumpay ng World War II, ipinakikita ng 3 bansa sa komunidad ng daigdig ang mithiin sa pagtahak sa landas ng mapayapang pag-unlad, pagpapasulong ng malusog at matatag na pagtutulungan, at pangangalaga sa pangmatagalang kapayapaan at katatagan ng Hilagang-Silangang Asya.
Ipinahayag naman ni Pangulong Park Geun-hye na kinakatigan ng tatlong panig ang prinsipyo ng seryosong pagharap sa kasaysayan. Aniya pa, kanilang gagawing salamin ang kasaysayan sa pagtanaw sa hinaharap, pasusulungin ang multilateral na pagtutulungang panrehiyon sa ibat-ibang larangan, at magkakasamang hararapin ang ibat-ibang hamong pandaigdig.
Samantala, ipinahayag naman ni Punong Ministrong Shinzo Abe na bilang mahahalagang bansa sa Silangang Asya, ang pagtitipon ng Tsina, Timog Korea at Hapon ay makakatulong, hindi lamang sa pagpapahigpit ng kanilang relasyong pangkabuhayan, kundi maging sa kooperasyong panrehiyon. Umaasa aniya siyang mapapabilis ang talastasan hinggil sa pagtatatag ng malayang sonang pangkalakalan, ibayo pang mapapasulong ang pagtutulungan ng 3 bansa at Silangang Asya, at magkakasamang mapapangalagaan ang kapayapaan at katatagan ng rehiyon at daigdig.
Nauna rito, magkahiwalay na nakipag-usap ang Premyer Tsino sa mga lider ng T.Korea at Hapon.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |