Sa kanyang pakikipagtagpo ngayong hapon kay Punong Ministro Najib Razak ng Malaysia, ipinahayag ni Premyer Li Keqiang ng Tsina na sapul nang maitatag ang relasyong diplomatiko ng Tsina at Malaysia, walang humpay na umuunlad ang relasyon ng dalawang bansa. Aniya, ang madalas na pagdadalawan ng mga lider at kooperasyong pangkabuhayan na may mutuwal na kapakinabangan ng dalawang bansa ay hindi lamang nakakapaghatid ng benepisyo sa kanilang mga mamamayan, kundi puwersang nakakapagpasulong sa kapayapaan, katatagan, at kaunlaran ng rehiyong ito.
Idinagdag pa ng Premyer Tsino ang kahandaang magsikap ang Tsina, kasama ng Malaysia, para mapalalim ang pragmatikong kooperasyon ng dalawang bansa sa iba't-ibang larangan, at mapasulong ang kanilang komprehensibong estratehikong partnership sa mas mataas na lebel.
Nagpahayag naman si Najib ng mainit na pagtanggap sa kauna-unahang biyahe ni Li sa Malaysia sapul nang manungkulan siya bilang Premyer ng Tsina. Nananalig aniya siyang ang biyaheng ito ay tiyak na ibayo pang makakapagpalalim sa relasyon ng dalawang bansa. Aniya, nakahanda ang Malaysia na ipagpatuloy ang tradisyong pangkaibigan ng Malaysia at Tsina at isakatuparan ang iba't-ibang komong palagay na narating ng mga lider ng dalawang bansa. Nakahanda rin ang Malaysia na palakasin ang pakikipagpalitan at pakikipagtulungan sa Tsina sa mga larangang gaya ng kultura, edukasyon, turismo, paglaban sa terorismo, at suliraning pandepensa, para ibayo pang mapasulong ang komprehensibong pag-unlad ng estratehikong partnership ng dalawang bansa.
Pagkaraan ng kanilang pag-uusap, sinaksihan nina Li at Najib ang paglalagda sa mga dokumentong pangkooperasyon ng dalawang bansa sa mga larangang kinabibilangan ng bilateral na kabuhayan at kalakalan, kakayahan ng produksyon, katarungan, puwerto, kultura, paglalagay sa pamilihan, seguridad ng pagkain, at iba pa.
Salin: Li Feng