|
||||||||
|
||
Ayon sa News Center ng China Radio International (CRI), sa Paris, Pransya—Idinaos dito ngayong araw ang ika-21 pulong ng mga signataryong panig ng United Nations Framework Convention on Climate Change (UNFCCC). Bilang mahalagang kasali sa pagharap sa pagbabago ng klima sa buong mundo, magsisikap ang Tsina, kasama ng iba't ibang bansa, para marating ang bagong kasunduang pandaigdig, pigilan ang pagbuga ng green house gas pagkatapos ng taong 2020, at iwasan ang paglitaw ng malungkot na klima sa mundo. Nitong nakalipas na ilang taon, kapansin-pansin ang natamong bunga ng Tsina sa mga aspektong gaya ng pagsasaayos sa kapaligiran, pagtitipid ng enerhiya, pagbabawas ng emisyon, at pagpapasulong ng green and low-carbon life. Samantala, kusang-loob na isinabalikat ng Tsina ang responsibilidad na pandaigdig, at aktibong naghanap ng mabisang paggamit ng malinis, luntian, at sustenableng enerhiya. Gumawa ito ng positibong ambag para sa pagharap sa pagbabago ng klima ng buong mundo.
Taunang Ulat ng Tsina hinggil sa Patakaran at Aksyon sa Pagharap sa Pagbabago ng Klima sa Taong 2015
Isinapubliko kamakailan ang "Taunang Ulat ng Tsina hinggil sa Patakaran at Aksyon sa Pagharap sa Pagbabago ng Klima sa Taong 2015." Tinukoy ng ulat na hanggang noong 2014, bumaba ng 6.1% ang pagbuga ng carbon dioxide per GDP unit sa buong bansa, kumpara sa gayun ding panahon ng nagdaang taon. Ito ay mas mababa ng 15.8% kumpara sa datos noong 2010. Kaugnay nito, ipinahayag ni Xie Zhenhua, Pangalawang Ministro ng Pambansang Komisyon sa Pag-unlad at Reporma ng Tsina at Espesyal na Kinatawan ng Tsina sa Suliranin ng Pagbabago ng Klima, na sa panahon ng ika-12 Panlimahang Taong Plano Hinggil sa Pagpapaunlad ng Pambansang Kabuhayan at Lipunan ng Tsina, natamo ang positibong bunga sa maraming larangan ng pagtitipid ng enerhiya at pagbabawas ng emisyon.
Ani Xie, isinasagawa ng Tsina ang mga hakbangin para malutas ang mga isyung gaya ng polusyon sa hangin. Walang humpay din aniyang magpupunyagi ang bansa para harapin ang pagbabago ng klima.
Pagsisikap ng Tsina
Kaugnay ng responsibilidad ng Tsina bilang tugon sa pagbabago ng klima ng daigdig, sa press briefing bago magtungo si Pangulong Xi sa Paris, sinabi ni Liu Zhenmin, Pangalawang Ministrong Panlabas ng Tsina na naisumite na ng Tsina ang sarili nitong "Intended Nationally Determined Contribution" (INDC), kasama ng iba pang mahigit 150 miyembro ng UNFCCC. Batay rito, sa 2030, mababawasan ng Tsina ng 60-65% ang dioxide emissions per unit ng gross domestic product (GDP) ng bansa kumpara sa emisyon noong 2005.
Sa babalangkasing Pambansang Panlimahang Taong Plano(2016-2020), nakahanda rin aniya ang Tsina na pasulungin ang mas sustenable at balanseng pag-unlad ng kabuhayan na nagtatampok sa low-carbon, green energy at pagtitipid sa enerhiya.
Kasabay nito, ipinatalastas din ng Tsina ang pagtatatag ng 20-bilyong-yuan na South-South Cooperation Fund para tulungan ang iba pang mga umuunlad na bansa sa pagtugon sa pagbabago ng klima.
Salin: Vera
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |