|
||||||||
|
||
SA balitang mula sa Maynila, lumabas sa iba't ibang media outlets ang sinasabing pangunguna ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa isang survey na ginawa ng Social Weather Stations sa huling linggo ng Nobyembre.
Nanguna umano ang mapagmurang mayor ng Davao sa lahat ng mga botante mula sa lahat ng antas ng mga mamamayan sa buong bansa. Nagkaroon ng 38 points si G. Duterte at naungusan sina Senador Grace Poe at Vice President Jejomar C. Binay na nagkaroon ng tig-21 porsiyento.
Samantala, pang-apat si dating DILG Secretary Manuel Araneta Roxas II na nakatanggap ng 15% samantalang si Senador Miriam Defensor Santiago ay nakatanggap ng 4 porsiyento.
Iisang porsiyento lamang ang wala pang napipisil na kandidato.
Sa upper at middle classes o ABC, nakatanggap si G. Duterte ng 62% samantalang pangalawa si G. Binay na nakatanggap ng 16% at ang dating nangungunang kandidato si Senador Grace Poe Llamanzares at nakatanggap ng 13 %.
Samantala, si G. Roxas, ang manok ni Pangulong Aquino, ay nakatanggap ng 6% samantalang si Senador Santiago ay mayroong 1%. Ginawa ng SWS ang survey mula ika-26 hanggang ika-28 ng Nobyembre, isang linggo matapos magdeklara ng kanyang pagkandidato si G. Duterte. Naideklara siyang kandidato ng PDP-Laban noong nakalipas na buwan.
Isang negosyanteng taga-Davao ang nagpagawa ng survey sa may 1,200 respondents na mayroong margin of error na plus or minus 3 percentage points sa national level at plus or minues 6 percentage points sa regional level. Ang bawat region ay mayroong 300 respondents.
Sa pangalawang panguluhan, nangunguna naman si Senador Francis Escudero na nagkaroon ng 30% samantalang si Senador Ferdinand Marcos, jr. ay mayroong 24%. Si Senador Alan Peter Cayetano ay pangatlo sa pagtatamo ng 21 porsiyento. Sa Mindanao, nanguna si Cayetano na nagtamo ng 34%.
Pangalawa naman si G. Escudero na mayroong 26% at G. Marcos na nagtamo ng 15%.
Si Leni Robredo ay nagtamo ng 12% sa pagkakaroon ng ika-apat na puesto. Panglima naman si Senador Gregorio Honasan na nagkaroon ng 6% samantalang na sa dulo naman si Senador Antonio Trillanes IV na nagkamit ng 5%.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |