Ipinahayag kahapon sa Beijing ni Hua Chunying, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina na mabunga ang katatapos na Summit ng China-Africa Cooperation Forum na idinaos sa Johannestburg, Timog Aprika. Ito aniya'y nagbukas ng bagong pahina para maisakatuparan ang win-win cooperation at magkasamang pag-unlad ng Tsina at Aprika.
Ani Hua, ipinaliwanag sa summit ang bagong ideyang pangkooperasyon ng Tsina at Aprika. Aniya, tiniyak sa summit ang pagtatatag at pagpapasulong ng komprehensibong estratehikong partnership ng Tsina at Aprika; pagtatayo ng limang pundasyon ng relasyong Sino-Aprikano na kinabibilangan ng pagkakapantay-pantay at pagtitiwalaan sa pulitika, pagtutulungang may mutuwal na kapakinabangan sa kabuhayan, pagpapalitan sa kultura, pagtutulungan sa seguridad, at pagkakaisa at pagkokoordina sa mga suliraning pandaigdig. Samantala, napagpasiyahan aniya sa summit ang pagsasagawa ng apat na planong pangkooperasyon na sasaklaw sa larangan ng pagsasaindustriya, modernisasyon ng agrikultura, imprastruktura, pinansya, pangangalaga sa kapaligirang ekolohikal, trade facilitation, kalusugang pampubliko, kultura, seguridad at iba pa.