Sa Beijing — Idinaos sa Beijing ngayong araw, Lunes, Disyembre 14, 2015 ang Simposyum hinggil sa Pagkontrol sa Panganib at Kooperasyong Panseguridad sa Dagat ng ASEAN Regional Forum (ARF). Dumalo rito ang mga opisyal ng mga may-kinalamang departamento ng diplomasya, suliraning pandepensa, pulisya sa dagat, at mga kinatawan ng organong akademiko mula sa 27 kasapi ng ARF. Magkasamang nangulo sa pulong sina Zhou Aimin, Pangalawang Puno ng National Defence University ng Tsina, at KanPharidh, Pangalawang Kalihim ng Departamento ng Diplomasya at Kooperasyong Pandaigdig ng Cambodia.
Sa kanyang talumpati sa seremonya ng pagbubukas, ipinahayag ni Liu Yazhou, Political Commissar ng National Defence University ng Tsina, na ang seguridad sa dagat ay mahalagang bahagi ng pandaigdigang suliraning panseguridad. Aniya, para sa mga bansang Asya-Pasipiko, ang seguridad sa dagat ay hindi lamang may kinalaman sa seguridad ng estado, kundi maging sa pag-unlad at pamumuhay ng mga mamamayan ng bansa. Ang pangangalaga sa seguridad sa dagat at paggarantiya sa katatagang panrehiyon, ay komong mithiin ng iba't-ibang bansang Asya-Pasipiko, dagdag pa niya.
Sa kanya namang talumpati, tinukoy ni Kong Xuanyou, Asistanteng Ministrong Panlabas ng Tsina, na ang pangangalaga sa kapayapaan at seguridad sa dagat ay komong responsibilidad ng mga bansa sa rehiyong ito. Ito aniya ay angkop sa komong kapakanan ng iba't-ibang panig. Nakahanda aniya ang Tsina na ibayo pang palakasin ang pakikipagtulungan sa iba't-ibang bansa sa rehiyon para magkakasamang harapin ang mga hamon at mapasulong ang pagtatatag ng maharmonyang dagat.
Salin: Li Feng