Sa Penang, Malaysia — Mahigit 20 bapor na kinabibilangan ng Chinese ship Jinggangshan, ilang helicopter, at underwater search unit mula sa Tsina, Malaysia, India, at Thailand, ay lumahok kahapon sa Ika-apat na Pagsasanay sa Pagliligtas sa Kalamidad ng ASEAN Regional Forum (ARF). Sa pamamagitan ng mahigpit na kooperasyon ng iba't-ibang kalahok, ibayo pang napalalim ang kanilang pagpapalitan at pagtutulungan, at napataas ang kakayahan ng iba't-ibang bansa sa magkakasamang pagharap sa mga di-inaasahang insidente sa dagat.
Sinabi ni Zeng Shenghai, pinuno ng kalahok na bapor ng Tsina, na sa harap ng malalaking likas na kalamidad sa dagat, kinakailangan ang mahigpit na kooperasyon at magkakasanib na aksyon ng iba't-ibang bansa. Aniya, mahirap na isagawa ng isang bansa lang ang mabilis at mabisang pagliligtas.
Salin: Li Feng