|
||||||||
|
||
Mga kalahok sa COP21 habang nagdiriwang sa pagkakalagda ng makasaysayang kasunduan bilang tugon sa pagbabago ng klima. Larawang kinunan noong Dec. 12, 2015 sa, in Le Bourget, Paris. (Photo credit: Xinhua)
Mga pangunahing nilalaman ng kasunduan
Sa 32-pahinang kasunduan, nasasaad ang 29 na tadhana na may kinalaman sa layunin, pagbabawas, pag-a-adapt, pagkawala at pinsala, pinansya, pagdedebelop at paglilipat ng teknolohiya, capacity building, pagiging transparent ng aksyon at iba pa.
Batay sa prinsipyo ng pagkakapantay-pantay, prinsipyo ng komon at may pagkakaibang responsibilidad, at prinsipyo ng kani-kanyang kakayahan, hiniling ng kasunduan sa iba't ibang panig na magkakasamang magsikap para makontrol sa loob ng 2 degree Celsius ang pagtaas ng karaniwang temperatura ng daigdig kumpara sa pre-industrial level. Kung makakaya, dapat malimitahan hanggang 1.5 degrees Celsius ang pagtaas ng temperatura ng daigdig.
Batay rin sa kasunduan, 100 bilyong dolyares na taunang tulong na pinansyal ang ibibigay ng mga maunlad na bansa sa mga umuunlad na bansa pagkaraan ng 2020.
Kasunduan, nagpapakita ng solidaridad: Ban Ki-moon
Kaugnay ng kasunduan, sinabi ni Pangkalahatang Kalihim Ban Ki-moon ng United Nations (UN) na sa kauna-unahang pagkakataon, ang lahat ng mga miyembro ng UNFCCC ay nangakong bawasan ang emisyon at magkakasamang matugunan ang pagbabago ng klima.
Pangako ng Tsina
Sa kabila ng mas mababang per capita emission kumpara sa mga maunlad na bansa, ang Tsina ay laging nakakatawag ng pansin bilang isa sa pinakamalaking greenhouse gas emitter sa daigdig.
Gayunpaman, dahil sa environmental woes at pangangailangan sa pagbabago ng pamamaraan ng pagpapaunlad ng pambansang kabuhayan, nagsisikap ang Tsina para matugunan ang isyu ng pagbabago ng klima.
Naisumite ng Tsina ang sarili nitong "Intended Nationally Determined Contribution" (INDC), kasama ng iba pang mahigit 180 miyembro ng UNFCCC. Batay rito, sa 2030, mababawasan ng Tsina ng 60-65% ang dioxide emissions per unit ng gross domestic product (GDP) ng bansa kumpara sa emisyon noong 2005.
Kasabay nito, nilagdaan din ng Tsina, kasama ng iba pang pangunahing emitters na gaya ng Estados Unidos, Pransya, India, Brazil at Uniyong Europeo ang bilateral na kasunduan bilang tugon sa pagbabago ng klima.
Ipinatalastas din ng Tsina ang pagtatatag ng 20-bilyong-yuan na South-South Cooperation Fund para tulungan ang iba pang mga umuunlad na bansa sa pagtugon sa pagbabago ng klima.
Kaugnay ng papel ng Tsina para marating ang kasunduan ng COP21, sinabi ni Jane Ellis, Senior Climate Policy Analyst ng Organisation for Economic Co-operation and Development (OECD), na bilang miyembro ng tatlong negotiations groups na kinabibilangan ng G77, BASIC (Brazil, South Africa, India, China) at LMDC (Like-Minded Developing Countries), may kakayahan ang Tsina na i-bridge ang pagkakaiba sa pagitan ng mga miyembro ng nasabing mga grupong pandaigdig.
Mga pangunahing kasunduang pandaigdig sa pagbabago ng klima
Noong 1979, sa Unang World Climate Conference sa Geneva, Switzerland, inilunsad ang World Climate Research Programme na nasa magkakasamang pagtataguyod ng World Meteorological Organization (WMO), United Nations Environment Programme (UNEP), at International Council of Scientific Unions (ICSU).
Noong 1988, itinatag ang Intergovernmental Panel on Climate Change (IPCC) na namamahala sa pagtasa sa kaalaman hinggil sa, at epekto ng pagbabago ng klima.
Noong 1990, kinumpirma ng unang IPCC report ang global warming at ang responsibilidad ng mga tao sa penomenang ito.
Noong 1992, narating ng mga kalahok ang United Nations Framework Convention on Climate Change (UNFCCC).
Noong 1997, ayon sa Kyoto protocol, hanggang sa 2012, kailangang bawasan ng daigdig ng humigit-kumulang 5% ang emisyon kumpara lebel noong 1990, at itinakda rin ng mga maunlad na bansa ang kani-kanilang target sa pagbabawas ng emisyon.
Noong 2009 sa Copenhagen Climate Conference, sinang-ayunan ng mga maunlad na bansa na ipagkaloob ang taunang 100 bilyong dolyares na tulong na pinansyal para tulungan ang mga umuunlad na bansa sa pagharap sa pagbabago ng klima.
Noong 2011 sa Durban Climate Change Conference, napagkasunduan ng mga kalahok na sa 2015 mararating ang isang legally binding deal na sasang-ayunan ng lahat ng mga bansa. Inaasahang magkakabisa ang nasabing deal sa 2020.
Tagapagsalin/Tagapag-edit: Jade
Tagapagpulido: Rhio
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |