Ayon sa China Radio International (CRI), idinaos sa Beijing noong Lunes, Disyembre 21, 2015, ang Pandaigdigang Simposyum tungkol sa "21st Century Maritime Silk Road." Dumalo rito ang mahigit 150 personaheng kinabibilangan ng mga diplomata ng Tsina at mga bansang ASEAN sa Tsina, at mga dalubhasa, iskolar at mangangalakal mula sa dalawang panig. Iniharap ng mga diplomatang ASEAN sa Tsina ang mga konstruktibong mungkahi hinggil sa "21st Century Maritime Silk Road." Ang naturang simposyum ay magkasamang itinaguyod ng China Foundation of International Studies at China-ASEAN Business Council (CABC).
Ang naturang mga diplomata, ay kinabibilangan nina Erlinda Basilio, Embahador ng Pilipinas sa Tsina; Loh Ka Leung, Embahador ng Singapore sa Tsina; Thit Linnohn, Embahador ng Myanmar sa Tsina; Dang Minh Khoi, Embahador ng Biyetnam sa Tsina; at iba pa.
Ang tatlong tema ng nasabing simposyum ay kinabibilangan ng relasyong Sino-ASEAN at konstruksyon ng Silk Road, upgraded version ng China-ASEAN Free Trade Area (CAFTA), kooperasyon sa kakayahan ng produksyon sa rehiyong ito, at pag-uugnayan ng mga mamamayan at pagpapalitang panlipunan at pangkultura sa proseso ng konstruksyon ng Silk Road.
Ipinahayag ni ErlindaBasilio na mayaman ang larangan ng turismo ng Pilipinas. Ito aniya ay nagsisilbing mainit na detinasyon ng mga turistang Tsino. Kaya, dapat aniyang palakasin ng Tsina at Pilipinas ang kooperasyon sa larangan ng turismo. Dagdag pa niya, iniharap na ng ASEAN ang maraming mungkahi, at ang mga ito ay hindi lamang makakapagbigay ng benepisyo sa mga bansang Timog Silangang Asyano, kundi maging sa Tsina.
Salin: Li Feng