Nag-usap sa telepono kagabi, Biyernes, ika-8 ng Enero, si Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina, at ang kanyang counterpart na Timog Koreano na si Yun Byung-se. Nagpalitan sila ng palagay hinggil sa kalagayan ng Korean Peninsula.
Inilahad ni Wang ang paninindigan ng Tsina sa isyung nuklear ng Korean Peninsula: dapat isakatuparan ang walang nuklear na peninsula, pangalagaan ang kapayapaan at katatagan sa peninsula, at lutasin ang isyu sa pamamagitan ng diyologo. Aniya, hindi dapat magkakahiwalay ang tatlong elementong ito.
Inulit din ni Wang ang pagtutol sa nuclear test ng Hilagang Korea. Aniya, sa harap ng kasalukuyang masalimuot na kalagayan, nakahanda ang panig Tsino na panatilihin ang pakikipag-ugnayan sa panig T.Koreano, at dapat panumbalikin sa lalong madaling panahon ang talastasan hinggil sa isyung nuklear ng Korean Peninsula.
Salin: Liu Kai