Opisyal na tatakbo sa Beijing sa ika-16 ng buwang ito ang Asian Infrastructure Investment Bank (AIIB). Ayon kay Bambang Suryono, Pangulo ng Nanyang ASEAN Foundation sa Jakarta, na ito ay magpapasulong sa konstruksyon ng imprastruktura ng Indonesya.
Sinabi niya na ang konstruksyon ng imprastruktura ng Indonesya ay pinakamahalagang bagay na tinutukan ng pamahalaan sa susunod na 4 na taon. Aniya pa, sa 350 trilyong Indonesian Rupiah (IDR) o mahigit 25 bilyong dolyares na budget para sa proyekto ng mga state owned company, 313.5 trilyon o mahigit 22 bilyong dolyares (halos 90%) ang gagamitin para sa konstruksyon ng imprastruktura ng bansa. Aniya pa, ang serye ng proyekto ng Indonesya ay nangangailagan ng tulong mula sa AIIB o iba pang organong pinansyal, kaya nakahanda ang Indonesya na maging mahigpit na partner ng AIIB. Nais aniya ng kanyang bansa na maging pinagkakatiwalaang tagapagsuporta ng pagpapaunlad ang AIIB.
Ipinalalagay din ni Bambang Suryono na hindi lamang natanggap ng pagtatatag ng AIIB ang mainit na pagkatig mula sa mga bansang ASEAN, kundi aktibong lumahok dito ang mahigit 50 bansa mula sa 5 kontinente. Ito ay naging bagong puwersa sa sistema ng pinansya, dagdag niya. Nagpapakita ito na gumaganap ng mahalagang papel ang reporma at inobasyon ng Tsina, at unti-unting binabago nito ang lumang kaayusan ng kabuhayang pandaigdig na kontrolado ng mga bansang kanluranin. Nananalig aniya siyang lalakas ng AIIB at iba pang mga organong pinansyal at magkakaloob ng malakas na pagkatig at tulong sa mga bansang ASEAN at Tsina, para mapasulong ang connectivity ng transportasyon at komunikasyon, at konstruksyon ng imprastruktura.
Salin: Andrea