Ayon sa Xinhua News Agency, sa kanyang pakikipagtagpo sa Riyadh kahapon, Enero 19, 2016, kay Iyad Ameen Madani, Pangkalahatang Kalihim ng Organization of Islamic Cooperation (OIC), tinukoy ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina na may likas at tradisyonal na relasyong pangkaibigan ang Tsina at mga bansang Islamiko. Aniya, ang OIC ay simbolo ng pagkakaisa ng mga bansang Islamiko, at gumaganap ang organisasyong ito ng espesyal na papel sa mga suliraning panrehiyon at pandaigdig, bagay na nakakapagbigay ng mahalagang ambag para sa pagpapasulong ng kooperasyon ng mga bansang Islamiko.
Ipinahayag ni Pangulong Xi ang kahandaan ng panig Tsino na sa balangkas ng "One Belt and One Road Initiative," palalimin ang kooperasyon nila ng mga bansang Islamiko para maisakatuparan ang komong pag-unlad. Dagdag pa niya, nakahanda ang Tsina na palakasin ang pakikipagtulungan sa naturang mga bansa sa mga isyung panrehiyon at pandaigdig para magkakasamang mapangalagaan ang lehitimong karapatan at interes ng mga umuunlad na bansa, mapasulong ang reporma sa pangangasiwa ng buong daigdig, at mapasulong ang kapayapaan at kaunlaran ng buong daigdig.
Ipinahayag naman ni Iyad na lubos na pinahahalagahan ng OIC ang relasyon sa Tsina, at pinasalamatan ang pantay na paninindigan ng Tsina sa isyu ng Gitnang Silangan. Aniya, ang Tsina ay isang mahalagang miyembro ng komunidad ng daigdig na may malaking impluwensiya, at inaasahan ang pagpapatingkad ng panig Tsino ng mas malaking papel sa mga suliranin ng Gitnang Silangan at Aprika.
Salin: Li Feng