Idaraos sa malapit na hinaharap ang seremonya ng pagsisimula ng proyekto ng high speed railway sa pagitan ng Jakarta at Bandung na magkasamang itatatag ng mga bahay-kalakal ng Tsina at Indonesia. Mula ika-20 hanggang ika-22 ng buwang ito, bumibisita sa Indonesia si Wang Yong, Kasangguni ng Estado ng Tsina, para dumalo, kasama ni Pangulong Joko Widodo ng Indonesia, sa nasabing seremonya.
Ang daambakal sa pagitan ng Jakarta at Bandung ay unang high speed railway ng Indonesia, at ang kooperasyon nito ay isinasagawa sa pamamagitan ng modelo ng Business-to-Business (B2B). Noong nagdaang Oktubre, nilagdaan sa Jakarta ng grupo ng mga bahay-kalakal na Tsino na pinamumunuan ng China Railway Corporation at 4 na bahay-kalakal na ari ng estado ng Indonesia ang Joint Venture Agreement, para mamahala sa konstruksyon at pagpapatakbo ng nasabing proyekto.
150 kilometro ang kabuuang haba ng nasabing daambakal. Maaari itong tumakbo sa bilis na 300 kilometro bawat oras. Kapag nailatag, 40 minuto lamang ang biyahe sa pagitan ng Jakarta at Bandung; sa kasalukuyan, mahigit tatlong oras ang biyahe.
Ipinahayag ni Sahala Lumban Gaol, Espesyal na Tagapayo ng Ministri ng Mga Bahay-Kalakal na Ari ng Estado at Tagapangulo ng PT Pillar Sinergi BUMN Indonesia, na ang proyektong ito ay makakapagpasulong ng malaki sa pag-unlad ng kabuhayan ng mga rehiyon sa paligid ng daambakal. Ayon sa inisyal na pagtaya, lilikhain ng konstruksyon ng nasabing daambakal ang 40 libong puwesto ng hanap-buhay sa Indonesia bawat taon. Ibayo pang pauunlarin ang mga himpilan sa kahabaan ng daambakal at mga rehiyong sa paligid, at may pag-asang bubuuin ang isang koridor na pangkabuhayan sa pagitan ng Jakarta at Bandung.
Salin: Vera