Sa ika-46 na taunang pulong ng World Economic Forum (WEF) na ipininid kahapon, Sabado, ika-23 ng Enero 2016, tinalakay ng mga ekonomista ang hinggil sa tunguhin ng kabuhayang Tsino. Medyo optimistiko sila sa kalagayan ng kabuhayang Tsino.
Kabilang dito, ipinalalagay ni Haruhiko Kuroda, Gobernador ng Bangko Sentral ng Hapon, na hindi magaganap ang malaking pagbaba o tinatawag na "hard landing" ng kabuhayang Tsino. Aniya, ang bumagal na paglaki ng kabuhayang Tsino noong isang taon ay dahil sa isinasagawang reporma ng Tsina sa paraan ng pagpapaunlad ng kabuhayan.
Sinabi naman ni Tidjane Thiam, CEO ng Credit Suisse, na nagkakaroon ng "over reaction" ang pamilihan sa kalagayan ng kabuhayang Tsino. Aniya, sa katotohanan, lumalaki pa ang pangangailangan ng Tsina sa mga pangunahing paninda na gaya ng langis. Ito aniya ay makakabuti sa kabuhayan ng daigdig.
Salin: Liu Kai