Ayon sa ulat ng "Guangming Daily," pormal na isinapubliko kamakailan ng Cambodia ang "Estratehiya ng Pag-aakit ng mga Turistang Tsino mula 2016 hanggang 2020" at white paper na pinamagatang "China Ready." Ayon dito, magsisikap ang Cambodia para makaakit ng 2 milyong turistang Tsino sa taong 2020.
Ipinahayag ni Thong Khon, Ministro ng Turismo ng Cambodia, na sa 4.8 milyong dayuhang turistang tinanggap ng kanyang bansa noong isang taon, 800 libo ang mga turistang Tsino na nasa ika-2 puwesto. Aniya, ayon sa pagtaya ng United Nations World Tourism Organization (UNWTO), hanggang taong 2020, aabot sa halos 200 milyong person time ang mga turistang Tsino sa ibang bansa. Dapat samantalahin ng Cambodia ang pagkakataong ito, dagdag pa niya.
Salin: Li Feng