Ayon sa Xinhua News Agency, sa isang preskong idinaos sa Seoul kahapon, Pebrero 12, 2016, sinabi ni Hong Yong-pyo, Ministro ng Unipikasyon ng Timog Korea, na ikinalulungkot ng kanyang bansa ang mga aksyon ng Hilagang Korea na gaya ng pagpapalayas ng mga tauhang Timog Koreano sa Kaesong Industrial Complex, at pagfi-freeze sa ari-arian ng panig Timog Koreano sa naturang complex.
Binatikos din niya ang subok na paglulunsad ng Hilagang Korea ng long-range missile pagkaraan nitong isagawa ang nuclear test. Ito aniya ay "nakakasira sa pundasyon ng kapayapaan ng Korean Peninsula at Hilagang Silangang Asya." Kaya, komprehensibong itinigil ng Pamahalaang Timog Koreano ang operasyon ng Kaesong Industrial Complex, dagdag pa niya.
Bilang tugon sa pagsasagawa ng Hilagang Korea ng nuclear test at paglulunsad ng satellite sa pamamagitan ng ballistic missile technology, ipinatalastas noong Pebrero 10, 2016, ng Pamahalaang Timog Koreano ang komprehensibong pagsususpindi ng operasyon ng naturang complex. Ang lahat ng tauhang Timog Koreano sa Kaesong Industrial Complex ay nakauwi noong Pebrero 11, 2016.
Salin: Li Feng