Sinabi kamakilan ng Pentagon na "walang kapinsalaang idinulot" ang bapor-pandigma ng Amerika sa sa rehiyong pandagat sa loob ng 12 nautical miles ng mga pulo at batuhan sa South China Sea, kung saan nagsasagawa ng konstruksyon ang Tsina. Kaugnay nito, ipinahayag Lunes, Pebrero 1, 2016, ni Lu Kang, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na mapanganib at iresponsable ang naturang kilos ng panig Amerikano. Hinimok niya ang panig Amerikano na itigil sa lalong madaling panahon ang ganitong aksyong hindi nakakabuti sa sariling kapakanan at kapakanan ng ibang bansa.
Ani Lu, may di-mapapabulaanang batayang pambatas ang panig Tsino sa mga isla sa South China Sea at rehiyong pandagat sa paligid nito. Dagdag niya, noong ika-30 ng Enero, 2016, lumabag ang USS Curtis Wilbur DDG-54 ng Hukbong Pandagat ng Amerika sa batas ng Tsina, at pumasok sa teritoryo ng Tsina sa Xisha Islands. Agarang isinagawa ng tropang Tsino na nakakatalaga sa isla at mga bapor at eroplanong militar ang katugong aksyon, para i-identify ang naturang bapor-militar ng Amerika, at mabilis na pinaalis ito.
Salin: Vera