Ipinangako kamakailan ni Chen Jining, Ministro ng Pangangalaga sa Kapaligiran ng Tsina na sa 2016, kasama ng iba't ibang sektor, isasagawa ng kanyang ministri, ang mas mabisang hakbangin para matugunan ang smog.
Nitong mahigit 30 taong nakalipas, sapul nang isagawa ng Tsina ang reporma at pagbubukas sa labas, mabilis ang pag-unlad ng pambansang kabuhayan ng Tsina, pero, kapansin-pansin din ang isyu ng polusyon. Noong katapusan ng 2015, lubos na ikinabahala ng mga mamamayan ang tatlong matagal na pagkakaroon ng smog sa Beijing at mga siyudad sa paligid ng kabisera.
Kaugnay nito, sinabi ni Chen na bilang tugon, naistandardisa na ng kanyang ministri ang early warning at response system ng iba't ibang lugar ng bansa. Hiniling din aniya nito sa mga bahay-kalakal na magsapubliko ng kani-kanilang emisyon ng pollutant. Kasabay nito, patataasin ang kalidad ng karbon, pangunahing pagatong para sa heating system sa taglamig ng bansa, dagdag niya.
Simula unang araw ng Enero ng taong ito, nagkabisa ang Batas sa Pagpigil at Pagkontrol sa Polusyon sa Hangin ng Tsina. Noong unang araw ng Enero, 2015, nagsimula nang magkabisa ang rebisadong Batas sa Pangangalaga sa Kapaligiran. Sinabi ni Chen na upang matupad ang nasabing dalawang batas, ilulunsad ng kanyang ministri ang pambansang programa para umabot sa pamantayan ng emisyon ng pollutant ang mga bahay-kalakal.
Hiniling din ni Chen sa publiko at media na bantayan ang mga bahay-kalakal kaugnay ng kanilang pagbubuga ng pollutant.
Tagapagsalin: Jade
Tagapagpulido: Rhio