Sa kanyang pakikipag-usap kahapon, Pebrero 23, 2016, kay John Kerry, Kalihim ng Estado ng Estados Unidos, tinukoy ni Wang Yi, dumadalaw na Ministrong Panlabas ng Tsina, na ang rehiyong Asya-Pasipiko ay rehiyon kung saan naghahalo ang pinakamaraming kapakanan ng Tsina at Amerika. Aniya, may mahalaga at komong responsibilidad ang dalawang bansa sa kapayapaan, katatagan, at kaunlaran ng rehiyong ito. Kaya, dapat palakasin ng dalawang bansa ang pagtitiwalaan, palalimin ang kooperasyon para mapasulong ang pagsasagawa ng mainam na kooperasyong Sino-Amerikano sa mga suliranin ng Asya-Pasipiko.
Inilahad din ni Wang ang paninindigan at posisyon ng panig Tsino sa isyu ng Taiwan, at isyu ng South China Sea. Ipinahayag niya ang solemnang atityud ng panig Tsino tungkol sa intensyon ng panig Amerikano na ideploy ang THAAD Terminal High Altitude Area Defense sa Timog Korea.
Ipinahayag naman ni Kerry na napakahalaga ng relasyong Amerikano-Sino. Aniya, ang matagumpay na kooperasyon ng dalawang bansa sa mga isyung gaya ng isyung nuklear ng Iran, at pagbabago ng klima, ay nakakapagbigay ng positibong epekto sa buong mundo. Nakahanda aniya ang panig Amerikano na isagawa ang mainam na pakikipagkooperasyon sa panig Tsino sa rehiyong Asya-Pasipiko. Hindi aniya ninanais ng Amerika na maging isyu sa Tsina ang hinggil sa South China Sea. Iginigiit ng Amerika ang patakarang "Isang Tsina," at tinututulan ang "pagsasarili ng Taiwan," dagdag pa niya.
Salin: Li Feng