|
||||||||
|
||
NANINIWALA si Colonel Noe Detoyato, tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines, na umaasa silang magwawakas na ang sagupaan ng mga kawal ng pamahalaan at mga kabilang sa isang bagong armadong grupo.
Sa isng panayam, sinabi ni Col. Detoyato na tuloy ang sagupaan sa pagitan ng mga armado at mga tauhan ng 103rd Brigade sa ilalim ni Col. Roseller Murillo. Kinailangan nilang kumuha ng mga eroplano sa Philippine Air Force upang bombahin ang mga armado at gamitan ng mga kanyon tulad ng mga sasakyang armado tulad ng M-113 na mayroong remote firing mechanism.
Ayon Colonel Detoyato, mayroon nang nakubkob na mga posisyon at nakatagpo ng dalawang labi, isang homemade caliber 50 machine gun. Ayon sa mga sibilyan, may nakita silang mga 30 nasawi. Galit din ang mga residente, dagdag pa ni Col. Detoyato, sapagkat pinipilit silang lumaban sa mga kawal.
May lumabas umanong balita na kaalyado na ng mga ISIS ang grupong kasagupa ng pamahalaan sapagkat mayroong mga banyagang nakikita ng kasama ng mga armadong Filipino. Madali umanong maglabas-masok ang mga banyagang mula sa Malaysia at Indonesia sa paggamit ng mga baybay-dagat sa Mindanao. Ang mga pugante sa Malaysia at Indonesia ay maaaring makapagtago sa Mindanao kasama ng mga armado at nagkakapalitan ng mga kaalaman. Wala pa namang kumpirmasyon mula sa mga ISIS kung kanilang mga kasama nga ang nasa Pilipinas.
Ibinalita rin ni Colonel Detoyato na nangako na ang Moro Islamic Liberation Front na ilalayo na muna nila ang kaniang mga tropa sa Butig upang maiwasan ang dagdag na kaguluhan.
Unang lumabas sa balita na mayroong humigit kumulang sa 180 armado ang kabilang sa nakikipaglaban sa mga kawal ng pamahalaan.
Umaabot na sa 2,000 katao ang nagsilikas mula sa bayan ng Butig na pansamantalang naninirahan sa mga evacuation center at sa kanilang mga kamag-anak.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |