|
||||||||
|
||
BAGAMA'T may pagkakaiba ang buhay mula noong dekada otsenta sa pamamagitan ng mga nagaganap sa ekonomiya, maraming bantang kinakaharap ang bansa sa mga susunod na taon.
Ito ang nagkakaisang tugon ng mga panauhin sa idinaos na "Tapatan sa Aristocrat" kaninang umaga. Para kay Gng. Ma. Victoria Españo, pangulo at chief executive officer ng Punongbayan & Araullo, kailangang magkaroon ng malawakang pagbabago sa sistema ng pagbubuwis upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga mamamayan at pamahalaan.
Ipinaliwanag naman ni Dr. Willie D. Dar, dating Kalihim ng Pagsasaka, nakalulungkot na ang kaunlaran sa sektor ng agrikultura sa ilalim ng Aquino administration umabot lamang sa 1.2% sa unang limang tao't kalahati ng panunungkulan.
"Kung hindi bubuhayin ang sektor ng pagsasaka, higit na maghihirap ang mahihirap na magsasaka sa kanayunan at mananatiling mabuway ang ekonomiya sapagkat nakasalalay lamang sa foreign remittances at kita ng mga business process outsourcing ang ekonomiya ng bansa.
HINDI KAILANMAN NAGING "INCLUSIVE" ANG KAUNLARAN. Ito ang sinabi ni Sonny Africa, Executive Director ng IBON Foundation (kaliwa) sa katatapos na "Tapatan sa Aristocrat". Dumalo rin sa pagtitipon at talakayan sina Dr. Willie Dar, (gitna) dating kalihim ng Kagawaran ng Pagsasaka na nagsabing hindi uunlad ang bansa kung hindi magiging talat sa dagpappa-unlad ng sektor ng agrikultura. Na sa kanan si Gng. Ma. Victoria Espano, pangulo at Chief Executive Officer ng Punongbayan & Araullo na nagsabing kailangang suriin ang kolakran ng pagbubuwis. Hindi nakasama sa parawan si G. Butch Valdez ng Save the Nation Movement. (Melo M. Acuna)
Ang problema, ayon kay Sonny Africa, executive director ng IBON Foundation, ay sa likod ng magagandang pahayag ng pamahalaan ay nagaganap pa rin ang malawakang kahirapan at kawalan ng 'de kalidad hanapbuhay.
Upang mapaganda ang ekonomiya, iminungkahi niyang taasan ang buwis sa mga malalaking kumpanya at mga mayayamang mamamayan, dagdagan ang sahod ng mga manggagawa at bigyan ng kaukulang umento ang pension ng mga umaasa sa Government Service Insurance System at Social Security System.
Niliwanag din ni G. Africa na hindi kailanman naging "inclusive" ang anumang kaunlaran sa Pilipinas sapagkat tanging ang mamayayamang may kaugnayan sa pamahalaan ang nakikinabang sa anumang biyayang dulot na kaunlaran.
Para kay Butch Valdez ng "Save-the-Nation Movement," ang Gross Domestic Product ay maihahambing sa gross sales ng alinmang bansa kaya't kailangang mabatid ang tunay na larawan ng ekonomiya ng Pilipinas. Makikita ang kawalan ng kaugnayan ng Gross Domestic Product sa tunay na buhay ng mga mamamayan.
Mas makabubuting huwag nang matuloy pa ang Public-Private Partnership o PPP sapagkat higit na magpapahirap ito sa mga mamamayan. Inihalimbawa niya ang diumano'y pagsusuko ng pamahalaan ng poder nito sa pagtatasa ng singil sa kuryente, tubig at mga sasakyang-bayan sapagkat sa oras na mangapital ang mula sa pribadong sektor, ang salaping ilalabas nito ay nararapat masuklian ng kaukulang tubo.
Ipinaliwanag pa ni Dr. Dar na noong panahon ni Pangulong Corazon Aquino noong 1986 hanggang 1992, umabot ang growth rate ng sektor ng pagsasaka sa 1.8%, noong panahon ni Pangulong Ramos ay umabot naman sa .8% mula 1992 hanggang 1998. Noong panahon ni Pangulong Joseph Estrada, umabot sa 6.5% ang growth rate ng sektor at bumaba sa 2.8% noong panahon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo mula 2001 hanggang 2010.
Nakalulungkot lamang, ani Secretary Dar na sa lima't kalahating taon ng Aquino administration ay pawang 1.2% average growth ang naitala.
Ang magiging pangulo mula sa ika-30 ng Hunyo ay nararapat may nakalaang programa upang mabigyang pansin ang sektor ng pagsasaka at manufacturing. Sa pagsigla ng pagsasaka, mabubuhay ang sektor ng manufacturing.
Sinabi ni G. Africa na hindi na angkop ang "motherhood statements" at kailangan ang mga kongretong programa. Mahirap ang mga pangyayaring nagaganap sa daigdig mula sa krisis sa Gitnang Silangan hanggang sa krisis sa ekonomiya sa America at Europa. Maaring tumaas ang inflation rate sa oras na magpatuloy ang krisis.
Para kay G. Dar, napapanahon ang pagbibigay ng prayoridad sa sektor ng pagsasaka at kailangang pumangalawa sa sektor ng edukasyon.
Sinabi ni G. Butch Valdez na ang isang lider ay nararapat magkaroon ng kakayahan upang suriin ang mga nagaganap sa loob at labas ng bansa. Hindi biro ang mga hamong hinaharap ng saindaigdigan.
Naniniwala pa rin si Gng. Espano na mahalagang suriin ang kalakaran ng pagbubuwis sapagkat dito nakasalalay ang pamahalaan upang higit na mapaglingkuran ang mga umaasang mahihirap sa mamamayan.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |