Nakipag-usap kahapon, Lunes, ika-29 ng Pebrero 2016, sa Beijing si Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina, kay Ministrong Panlabas Vivian Balakrishnan ng Singapore.
Sinabi ni Wang na may tatlong pangunahing tungkulin sa kooperasyong Sino-Singaporean sa taong ito: una, pasulungin ang ika-3 malaking proyekto ng mga pamahalaan ng dalawang bansa, bagay na kooperasyon sa connectivity at lohistika na ang sentro ay Chongqing, lunsod sa timog kanlurang Tsina; ika-2, tapusin sa loob ng taong ito ang talastasan hinggil sa upgraded version ng Free Trade Area ng dalawang bansa; at ika-3, patingkarin ang pagsuporta ng platapormang pinansyal ng Singapore sa 21st Century Maritime Silk Road.
Pagdating sa relasyong Sino-ASEAN, sinabi ni Wang na ang Tsina at mga bansang ASEAN ay magkapitbansa, sila ay pawang mga umuunlad na bansa, at sila ay kabilang sa isang komunidad ng kapalaran. Kaya aniya, kung ihahambing sa mga ibang bansa, ang relasyong Sino-ASEAN ay nagkakaroon ng mas malaking potensyal, mas malawak na espasyo, mas malakas na sigla, at mas magandang prospek. Umaasa si Wang na sa taong ito, buong husay na idaraos ng Tsina at ASEAN ang mga aktibidad bilang pagdiriwang sa ika-25 anibersaryo ng pagkakatatag ng kanilang dialogue partnership, at gagawin ang blueprint ng ibayo pang pagpapaunlad ng kanilang relasyon sa hinaharap.
Ipinahayag naman ni Balakrishnan na noong isang taon, sa pamamagitan ng pagdadalawan ng mga lider ng Singapore at Tsina, napasulong sa bagong antas ang relasyon ng dalawang bansa. Nakahanda aniya ang Singapore na aktibong lumahok sa "Belt and Road" Initiative, at pasulungin ang talastasan sa upgraded version ng Free Trade Area ng dalawang bansa. Sinabi rin niyang nakahanda ang Singapore na patingkarin ang positibong papel bilang bansang tagapagkoordina sa relasyong Sino-ASEAN, para maging mas matibay ang relasyon ng dalawang panig.
Salin: Liu Kai